HOMILIYA NI CARDINAL ADVINCULA PARA SA TAON NG HUBILEYO 2025

 






HOMILIYA NI CARDINAL ADVINCULA 
SA PAGBUBUKAS NG TAON NG HUBILEYO 2025 
SA ARKDIYOSESIS NG MANILA
 


Ang darating na taon ba ay inyong sasalubungin nang may pag-asa o may pangamba?

Ito ang tanong ng isang pag-aaral na inilathala kamakailan upang malaman kung ano ang tingin ng mga Pilipino sa darating na taong 2025. Ninety percent (90%) ng mga tinanong ang nagsabi na sasalubungin nila ang bagong taon ng may pag-asa. Mataas pa rin ito. Ngunit mas mababa kung ikukumpara noong isang taon na ninety-six percent (96%). Anim na porsyento ang ibinaba. At sa kinasapitan ng pag-aaral mula Luzon, Visayas, at Mindanao, bumaba ang antas ng pag-asa ng mga Pilipino sa lahat ng dako ng bansa. Dagdagan pa ito ng sampung porsyento (10%) na nakakaramdam ng takot sa pagpasok ng bagong taon. Mataas din ito kumpara sa mga nakaraang taon.

Nakapagtataka ang mga resultang ito sapagkat madalas na napakataas ng ating pag-asa at hindi tayo nababahala kahit napakaraming pagsubok ang ating pinagdadaanan. Bakit kaya bumaba ang ating pag-asa at tumaas ang ating takot? Ano kaya ang mga dahilan at ano kaya ang maaari nating gawin para matugunan ang sitwasyong ito? Makatotohanan man o hindi ang sinasabi ng pag-aaral na ito, magandang tanungin natin ang ating mga sarili, “Ang darating na taon ba ay inyong sasalubungin nang may pag-asa o may pangamba?” Is it with hope or with fear that you enter the coming year 2025?

Sa araw na ito, binubuksan natin ang Taon ng Hubileo sa Archdiocese of Manila. Kaisa ng simbahan sa buong mundo, sinisimulan natin ang ating paglalakad bilang mga namamanatang kamanlalakbay ng pag-asa. With the theme “Pilgrims of Hope”, Pope Francis opened the Jubilee Year 2025 last Christmas Eve by opening the Holy Door of St. Peter’s Basilica.

The Holy Father encouraged all of us, “If God can visit us, even when our hearts seem like a lowly manger, we can truly say: Hope is not dead; hope is alive and it embraces our lives forever!” Indeed, there is hope for all of us. May pag-asa tayo. Hindi ito mawawala o mananakaw sapagkat ang ating pag-asa ay galing sa Diyos. Ito ay handog niya sa atin upang hindi tayo panghinaan ng loob sa ating paglalakbay sa buhay.

Ang propetang si Ana sa ating Ebanghelyo ay isang halimbawa ng pag-asa. Maaga siyang nabalo at walumpu’t apat na taon na siya. Kung susuriin natin ang kaniyang buhay, kahabag-habag at kaawa-awa si Ana. Ang maging balo sa kanilang kultura noon ay malaking trahedya sapagkat mistulang hindi na sila kabilang sa pamayanan katulad ng mga ulila. Ngunit lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Hindi siya sumuko sa pagtawag sa Diyos. Hindi siya nawalan ng pag-asa. Hanggang isang araw, kasama ni Propeta Simeon, nabanaagan nila ang matagal na nilang hinihintay, ang liwanag na tatanglaw sa lahat at magpapalaya sa sangkatauhan.

Sinimulan natin ang ating pagdiriwang sa pagtitipon at pagpuprusisyon. Ito ang buhay natin bilang simbahang sinodal. Tinipon tayo ng Diyos, tulad ng bayang Israel, upang mula sa kadiliman maakay niya tayo sa kanyang dakilang liwanag. Nagprusisyon tayo na pinangungunahan ng Aklat ng Mabuting Balita bilang paalala na ang simbahan ay peregrino na naglalakbay. Kung paanong tinaglawan ng haligi ng apoy ang bayan ng Israel sa kanilang paglalakbay tungo sa Lupang Pangako, hayaan natin na ang Salita ng Diyos ang tumanglaw at magtimon sa ating paglalakbay.




No comments:

Post a Comment

HOW DID THE CATHOLICISM START?

 Origins of Catholicism The Catholic Church is a branch of Christianity that originated in the 1st century AD. It's the largest Christia...